Mayroon akong naramdaman na kailanman hindi ko maitatangging masaya ako sa regalong buhay at karakter ng aking ama...sa lupa't langit.
Tunay na ang kawangis natin ay ang Ama sa langit na Siyang may hubog ng ama sa lupa. Tunay nga na kamukha ko ang aking ama noong siya'y bata at binata pa. Malamang tanaw ko na ang aking bukas sa itsura at postura niyang itinataglay sa ngayon. Tunay nga na ang aming ngayong pag-uga ay hindi kahapon para magmukmok subalit para sa bukas upang magpasalamat. At ang bukas ay para paghahanda sa ngayon, upang magbunyi sa matagumpay na paglilingkod sa Ama habang nabubuhay dito sa lupa't para sa langit!
Alam natin na ang tao'y mabuti at masama...ang tao'y may pisikal na pangangatawan, taglay na espiritu at kaluluwang maaaring ligaw. Sa pagyabong ng panahon ay tinatakda sa bahagi ng ating buhay na minsa'y nagiging mabuti at masama. Sa pagtatangis at tagisan ng tatlong persona'y titimbang ang may mas malalim na boses. Ito ay ilan lamang na pinapairal sa ating pagkatao. Anupaman, nakita kong sa puntong ito ang aking ama ay nasa kalagayan kung saan inihahalintulad niya ang kanyang buhay sa lupa...mataba, masustansiya, mapula. Ang katawan na mahina't, ispiritu na nagbubunga at kaluluwang payapa.
Lingid sa inyong kaalaman, sa naitalang bilang na apat niyang atake ay itinuturing naming masagana't milagro na ang bawat araw. Kanino man natin maririnig na sa pangatlo, minsan wala ng pag-asa. Na sa pangatlo ang kumikitil sa pisikal na relasyon natin sa ating kaanak. Ngunit sa awa ng Diyos, ang ama ko ay pinagpala ng karugtong na buhay dahil may rason at dahilan. Ako at kami'y naniniwala sa mahiwagang bulong ng Ama sa aking ama.
Ngayong gabi, ika dalawampu ng Agosto 2014, nakausap kong muli siya ng matino, nang hindi umiiyak. Dalawang linggo mula ngayon ang pang-apat niyang malalang pagpunta sa ospital. Lumagi siya roon ng humigit-kumulang isang linggo upang sumubok sa maigihang gamutan, nang mabilis at sa epektibong paraan. Hindi ko nagawang makita ang labis niyang kalagayan. Sa tuwing ako'y tumatawag, naririnig kong hindi maganda ang lagay ng kanyang sitwasyon. Sa tuwing kausap niya ako, may anghel na nagmamasid at ilang sandaling katahimikan sa magkabilang linya ng telepono, upang punasan ng may pag-aalala ang aming mga luha.
Dumating na nga ang araw na ito kung saan masisilip ko ang kanyang lagay o kanilang hinaing. Nagulat akong sa isang maling pitik ng ugat, kayang pabalikuin ang maayos na mukha at hayaang lumaylay ang kabilang parte ng katawan nang nagdulot ng walang pakiramdam. Isipin mo ang sitwasyon kung saan mayroon kang mata na hindi maipikit, bibig na nagdamot ngumuya, tanan-tanan mo ang iyong bisig na walang lakas, ang binti na kapiranggot na hakbang. Dala-dalanin mo sa tuwing umaga na kay bigat. Ito na marahil ang isa sa pinakamapula, mapait at maanghang na pangyayari sa aming pamilya. Subalit kung iyong ikukumpara ang naranasan ng aking Ama (Hesu Kristo), wala sa kapiranggot para patawan ng reklamo.
Sa pagpapatuloy ng kanyang kwento, dati umano'y nalilinis niya ang malawak na bakuran pati na din ang bakanteng lote sa harap ng bahay. Nakapagtanim din siya ng kamatis, okra, sitaw at kangkong. Mayroon din siyang alagang manok, pato at aso na sa tuwing umaga'y naaaliw siya ng lubos. Nang biglang may taksil na dadalaw sa iyo sa kalagitnaan ng iyong saya't mapapaupo sa lupa't mawawalan ng malay.
Mabuti na lamang hindi umabot sa ganoon, hindi tumama ang malala na abutin ng hilo at magsuka. Kundi naramdaman niya ang kanyang sarili't, mabilis na itinakbo ng aking mga kapatid sa ospital. Gayunpaman, malaki talaga ang epekto ng pangyayari. Hindi ko masasabing masama pero alam kong mabuti sa harapan ng Panginoon kung saan Siya ay mailuluwalhati. Sa pangyayaring ito, kung saan sa kasalukuyan siya ang pumapaluhod sa panalangin at tumibay ang dating natutulog na pananampalataya. Pisikal man siyang tinamaan, hindi pa din mawawala ang kanyang pagiging ama ko dito sa lupa.
Sa aming pag-uusap, masaya niyang ikinuwento ang natanggap niyang gamit, damit, sapatos, mga de-lata, tsokolate na aking padala mula dito sa Singapore. Ibinalot ko ito ng may kasamang panalangin bago mangyari ang lahat. Sa pagpapatuloy, binigyan niya ako ng matibay na pag-asang ang aking kinuhang lupa ay mababayaran din. Ang malaking bahay ay matatapos at mapipinturanhan din. Ang mga sasakyan ay maiingatang mabuti hanggang sa aking pagbabalik na maipagmaneho ko siyang muli. Mga materyal na bagay at ilan pang paghinuha ay maisasaayos din...alam ko, alam niya. Alam Niya!
Binanggit niya ang kanyang maayos na nararamdaman, pagpunta sa pagsusuri tuwing Biyernes sa doktor. Pagsunod sa ilang eksperto para muli'y mabuhay ang kaliit-liitang ugat sa kanyang katawan. Matapos nito ay siya namang patuloy na kamustahan sa aking kalagayan. Bagamat simple ang bawat salita na kanyang binibitawan, ngunit lumulukot naman sa aking dibdib noong sabihin niyang, "pinapanalangin kita na ingatan ka ng Panginoon at gawin mo ang lahat ng bagay para sa Kanya." Natuwa ako na ang bahagi ng buhay niyang ito ay importante, ang kanyang habilin, bawat paghinga ay isa talagang papuri sa kataas-taasan! Ito rin ang nagdala muli sa aking totoong sarili na manumbalik lang sa piling Niya...araw-araw!
Inihayag din niya na ang dati naming kapit-bahay ay nag-aagaw buhay, milagro kung magising pa ito bukas (namatay si Manong Ariel ilang oras bago ko ito inilathala). Sinusubukan kong ilihis ang usapan upang walang bahid ng kalungkutan ang aming matukoy. Sinabi niyang, "sa totoo'y ang tahanan natin ay nasa itaas." Sa kathang ito, tahimik akong nakikinig sa kanyang katalinuhang nagmula sa matabang eksperiyensa. Sumang-ayon ako at sabihing "magpalakas ka dahil ang Ama sa langit ay tinitignan kung paano natin tanggapin ang hamon...kung papaano natin Siya naitataas sa gitna ng ating bagyong dinaranas", nang tulad ng kanyang kalagayan. Hinabol ko ang maligayang pag-abot na pagbati, na gayundin ang mga "kapanalig ko dito sa Singapore na sumasabay sa panalanging manumbalik ang iyong dating pangangatawan, bumangon sa banig ng karamdaman at itali ang sakit sa kailaliman ng lupa."
Matagal-tagal na din nang magsabi siya ng mga tulad nito. Ang aking natatandaan ng ako'y umalis ng bansa at bilin niya na, "lagi kang manalangin, makitungo ng mabuti sa iba." Dasal at hangad niya nuon na "pumanig ang lahat sa akin, sapagkat nasa tabi ko ang Diyos." Ang lahat ay nagkatotoo bilang panalangin ng ama ko sa lupa't yumanig hanggang sa Ama sa langit. Sa kasalukuyan, hindi ko kayang sambitin ng salita ang tinamasang oportunidad at pagpapala. Waring tubig sa ilog ba patuloy ang pagdaloy na hindi nanunuyo. Ito nga marahil ang pag-uusap ng ama sa Ama, Ama sa ama.
Malugod kong ipapahayag na isang mahabang proseso ang pangyayari at nangyayari sa aming buhay. Noong una'y isa na nga ako sa maituturing na itim na tupa sa pamilya. Malaki ang pagsuway at katigasan (ng puso at isip ko) sa aking ama (Ama). Subalit tulad ng kwento sa Bibliya, humingi ako ng tawad, umiyak pabalik sa aking Ama (at ama). Wala akong narinig na paninisi o salitang paghahatol kundi mainit na yakap ang sumalubong. Kaya ganun na lamang ang respeto ko ang aking ama (at Ama) dahil ipinakita niya na ang maling nagawa noon ay hindi permanente. Lahat nagbabago kaya kung anuman raw ang aking kakulangan, pilitin kong magbago upang makapagdiwang ng maaga kaysa huli na. Ang makakatulong sa pagbabagong ito ay ang aming Ama.
Sa pagkakataong ito, biglang nanumbalik ang aking halimuyak sa paningin ng Ama ko sa langit...na ang mataimtim kong hiling ay Siya namang masunod. Alam kong hangad lang din sa atin ay likas-banayad na mabuti upang magkaroon ng masustansiyang ani sa bukas. At ang katagumpayang ito ay hindi lang para sa akin, kundi sampu ng aking nasasakupan at nararapat na malaking pagpapala sa hinaharap! Ako nama'y naluluha't lambot-tuhod para isipin ang naghihintay sa aking pagsunod. Mas mainam nga naman ito kaysa magsakripisyo. Alam kong ang aking ama sa lupa ay luksong-tuwang makita ako sa kalagayan na anumang nararapat.
Dinggin nawa ng mapagpalang Ama na nais at panalangin kong ibigay ang aking buong puso't buhay sa Kanya tanging pangalan. At hindi kalahati ng presensya ng aking ispiritu't pag-iisip. Walang kapalit na kaligayahan ang naghihintay sa aking kaluluwa, magmumula sa hakbang kong gagawin...ang matapang na pagtanggap sa isang dakilang responsibilidad ko sa Ama sa langit, upang maging pino ang buhay at personal na relasyon. Gaya ng respeto at pananalig ko sa aking ama na di ako kayang ipagkalulo. Siya na ngang sapat na mahikayat ako na ang nagmamaneobra ng aking buhay ay ang Amang banal, mata Niya'y nakakadena sa bawat anak Niya at ang kamay Niyang umaabot sa bawat sulok upang mag-ugnay.
Katulad ng pagmamahal ko sa aking ama ang pagresponde ko sa Kanyang panawagang makabuluhan. Pagsunod ko sa Kanyang utos at tagubilin na hindi nababali't-nagbabago. Wala nang kayang tumumbas sa pagtatangi ng aking Ama sa akin. Wala nga talaga akong karapatang mamili ng ama sa lupa dahil ito'y isang bigay-hulog ng Ama sa langit. At ginawa Niya ang bawat isa upang maging perpekto sa Kanyang paningin o kaaya-aya sa paanan ng trono. Natitiyak ko na ang aking ama sa lupa ay ga-ngiting taenga ang aabutin at putok-pusong susunggabin ang katotohanan na ang aking sandigan ay si Hesus na buhay at Diyos na makapangyarihan sa lahat!