Featured post

Paano Mag-Change Status

Ilang Patnubay ng Kaibigan ang Kailangan” 1.  Facebook ang unang nakaalam bukod sa mga pamilya mo.            Kung hindi ka makamove on...

Saturday, 28 June 2014

Patay-Na-Buhay?

Bakit karamihan ng namamatay ay malapit sa kanilang kaarawan?


Una kong nasilayan ang sementeryo noong namatay ang aking lolo (tatay ng aking tatay), ikalawa'y ang aking matalik na kaibigan (noong kami'y walong taong gulang).  Sa paglalakad, nakita ko ang iba't-ibang lapida kung saan wala ngang pinipiling edad at estado ang kamatayan.  Marahil ang kapanganakan ay isang desisyon.  Sa oras na piliin ng iyong magulang (partikular ng iyong nanay), na ikaw ay ituloy na ipanganak, alagaan at palakihin sa tulong ng Poong Maykapal ay magdiriwang ka ng iyong kaarawan.

Ngunit hindi ng kamatayan.  

Bibihira ang kakilala kong pipiliin ang pumanaw kaysa mabuhay.  Bagamat mahirap ang buhay sa mundo kung saan may sakit, problema, pangamba ay marami sa atin ang nagnanais na maipagpatuloy ang kalayaang mabuhay.

Sumunod na namatay ay ilan pang tiyahin, tiyuhin, pinsan, lola at kaibigan na kung aking babalikan ay malapit din sa kanilang araw ng kapanganakan.  May ilan pang nagsabi, "hindi man lang inabot ng kanilang kaarawan o muntik na sumakto o mismong kaarawan binawian ng buhay o kakalipas lamang".

Subalit sa lahat ng ito'y mas naging matibay ang aking pagtingin sa kamatayan.  Mas natutunan kong pasalamatan ang Panginoon sa buhay at panahon ng mga taong nawalay sa akin.  Sa hiram nating buhay at panahon na dapat pahalagahan hindi pagsamantalahan.  Sa piling ng mga nagmamahal sa atin at hindi upang balutan ang buhay na regalo ng kasakiman at kadiliman.

Masakit. Sobrang sakit!  

Yung tipong akala mo nga e katapusan na din ng buhay.  Yung tipong gusto mong sumama sa hukay.  Yung tipong  iniisip mo ang bukas.  Yung tipong aakalain mong wala ng lunas.  Yung tipong wala kang masabi kundi titik mula sa luha.  Yung tipong hindi ka makahinga kundi himig ng pusong nagsasalita.  Masakit kung hindi mo alam kung saan ang kanilang patutunguhan.  Masakit kung hindi mo nasabi ang dapat nilang marinig.

At sa paglipas ng panahon madami pang pangyayari.  May kaklase, kakilala ng kakilala, kapit-bahay o nadadaanang hindi kakilala pero alam mong may patay dahil sa toldang nakapaskil.  Nawala sila sa aking paningin hindi sa damdamin.  Sinundan pa ang mga nababalita sa telebisyon, away na humahantong sa patayan.  Nahimlay sa anim na talampakang hukay sa ilalim ng lupa.  Doon sila lalagi ng nag-iisa.  Ang iba'y maihahatid ng mahal sa buhay, ang iba'y mabubulok ng kusa.

1 Corinthians 15:52 (KJV) In a moment, in the twinkling of an eye, at the last trump: for the trumpet shall sound, and the dead shall be raised incorruptible, and we shall be changed.

Minsan nga'y binanggit ko na sa mga kaibigan ko noong kolehiyo na may teorya akong natuklasan!  The "Theory of Death" na magkakalkula ng kamatayan ng tao ay hindi bababa o tataas ng tatlong buwan sa kanyang araw ng kapanganakan.  Ngunit mali.  Dahil sa Aklat ng Buhay na aking pinaniniwalaan at pinanghahawakan, hindi ito nasusulat.  Tulad ng pagdating muli ni Hesu Kristo, parang isang magnanakaw na walang pasabi.  O kaya isang damong susulpot o bula na maglalahong bigla.  Walang nakakaalam at nakakasaklaw maliban sa Kanyang takdang oras.

Hebrews 9:27 (KJV)  And as it is appointed unto men once to die, but after this the judgment:

Sa aking pangwakas na pahayag, isa lamang din ang aking iiwanan.  Kung naipanganak tayong muli ay isang beses lamang tayo mamamatay.  At kung isang beses tayo naipanganak, dalawang beses tayo mamamatay.  Aking pakiwari, sa pagtanggap at pananampalataya mo kay Hesus Kristo na napako sa krus ng kalbayo, namatay, inilibing at muling nabuhay matapos ang tatlong araw, malaman na tayo'y makasalanan at tanggapin Siya bilang sariling Tagapagligtas ng iyong buhay...tayo'y magkakaroon ng buhay na walang hanggan at hindi mapapahamak sa dagat-dagatang apoy.  At ang taong minsan lamang naipanganak ngunit naging bingi, pipi at bulag sa katotohan ay mamamatay ng pisikal at ispiritwal habambuhay tungo sa impyerno.
Simple't luma man sa ating pandinig ngunit makapangyarihang tunay na dapat mamutawi sa ating puso hindi sa nguso... na walang pamumuyos ng ating kaisipan.

John 3:16 (KJV) For God so loved the world, that He gave His only begotten Son, that whosoever believeth in Him should not perish, but have everlasting life.

Mamili ka! 

Nais mo bang mabuhay na patay o mamatay ng mabuhay magpakailanman?

No comments:

Post a Comment