“Ang desisyo’y hindi mahirap, kundi ang iyong
aksyon”
Ang
dami kong natutunang mga masaklap at masusustansiyang karanasan sa pagsisiyasat
ng aking pagkatao. Ang buhay pala’y
isang sirkulo --- nakatali’t nagliliyab sa matibay na pundasyon… maaari ka ding ihampas
sa dingding o paliparin sa lakas ng hangin; ipaanod sa ilog at ibaon sa burak. Ako pala’y isang manhid sa likod ng isang
matapang na pagkatao. Napakarami ko na palang tinalikurang laban ng buhay. Sumuko at naging duwag. Ang iba’y nasayang na panahon, tao,
pagkakataon, pera at oras.
May mga
tao pala’y magaling gumawa ng kasalanan ngunit hindi dumadakila sa kapighatian.
Minsan, tatalikuran ka ng buong
sanlinutan para ikitil ang iyong mayabong na kaisipan. Sa mga nararanasan mong sandali, wala kang
ibang malalapitan kundi ang Lumikha ng langit at lupa. Madalas, dahil sa iyong pagkalimot sa Kanyang
kapangyarihan sa ating buhay, walang tulong Siyang didinggin. Subalit sa iyong pagkalumbay at sa kalagitnaan
ng iyong pighati, Siya rin ay dumadalamhati.
Masakit
isipin na gumagawa tayo ng mga bagay na naaayon sa kung anong alam nating tama
base sa ating nararamdaman. Na sa
bandang huli’y magsisisi tayo base sa ating naiisip. Marahil, hindi magtugma-tugma ang ating
naiisip. Maaaring hindi magtugma-tugma
ang aking saysay sapagkat ganiyan din ang aking tumpak na sitwasyon. Wala din namang isang pangyayari na perpekto,
hindi rin ayan ang aking hangad.
Nakita
ng aking mga bulag na mata ang kahalagahan ng problema na siyang yumugyog sa
aking pananampalataya sa Maylikha. Bagamat
napakaraming nasaktan na bukod sa sinuman ay ako, lahat din naman ay
unti-unting naghihilom. Mga bagay na
sadya nang umaayon sa aking pagsusumamo at panalangin. Habang lumilipas ang panahon, nauunawaan kong
hindi ko kailangang mabuhay sa sariling sikmura. Nararapat pala’y mapagkumbabang ispiritu at nakakaunawang
puso upang maging maalam.
Ang
daming umasa sa aking salita at mga gawa subalit sa huli’y nauwi lamang sa
lahat ay wala. Nakuha ko naman ngumiti, magpaubaya, malumbay at humalakhak. Sa likod ko’y bulong ng anghel na nagsasabi ng
tama. Hanggang sa ako na mismo ang
sumuko na manguna sa aking sariling isip at gawa. Ibinalik ko ang aking tunay na sariling hindi
sakim at biglaan din ipinaubaya ang pagkatao sa mapanghusgang mata ng
sanlibutan. Lalong humirap mabuhay.
Sa mga
nakaraang natutunan sa simbahan, makarinig ng panunumbat at makabasa sa Aklat ng katotohan…nanaginip akong humalukay sa lahat ng aking madayang nararamdaman, marahil isa
itong modernong pagkikipag-usap ng Panginoon sa tulong ng Banal na Espiritu. Bumangon ako’t
humagulgol. Sa pagpunas ng aking luha,
nasayang ang tagpong iyon…dahil ako’y nanumbalik sa gigil ng laman at sinusubukang
panindigan ang alam kong mali, ang alam
ng mundong tama at ito'y lingid ng Diyos...ang lahat ng aking desisyon.
Patas ang ibinigay Niyang hukom at
pagpapaalala. Nawalan akong kayamanan na aking itinuring --- salapi, kaibigang tunay, naubos ang aking mga ipinagmamalaki hanggang ang
tanging natira ay bilang akong nilalang sa Kanyang harapan…isang nilalang na
hubad sa Kanyang harapan.
Wala akong mahablot na kakampi kundi ang tanging sarili. Wala akong maiturong nagtulak sa akin kundi ako din. Lalong-lalo pa't walang masising iba pa, sapagkat bumabalik ang lahat sa akin.
Ako’y lumubog
sa kahihiyan at nilamon ng mayabang na salita at astang hambog.
Binalutan
Niya ako ng Kanyang awa at naramdaman ko na ako’y malapit sa Kanyang tabi. Naisip ko ang mga kasakiman ng aking
ginagawa…napakaraming nasaktan, ang aking pamilya, kaibigan, at Siya bilang Maylalang
ng hiram kong buhay. Isang nakakapanglumbay na mga sandali ang dapat
mapagdaanan ng kung sinuman.
Tunay nga
na ang Kanyang kapangyarihan ay walang kupas. Nananalig ako ng buong-giliw na ang lahat ay
upang ikabuti ng Kanyang trono, ako bilang anak Niya. Muntik nang tuluyang mayurakan ang aking
pagkatao’t masira ang obrang buhay sa makasariling mundo.
Salamat
sa Diyos na iniligtas ako sa tiyak na kapahamakan at pinalitan ang dating nakakalunod na pighati sa nag-uumapaw na kagalakan…magmula ngayo'y aasa ako sa pangakong pagpapalang walang-kupas, ng aking buhay dito sa lupa at sa langit!
No comments:
Post a Comment