“Ang aking buhay ay wala lang...walang buhay, paghahanap-buhay, pamumuhay, at pagsasabuhay, , panghabang-buhay at buhay na walang hanggan!”
Ang aking Buhay
Pinalaki ako ng aking magulang ng may takot at pag-unawa sa Diyos. Hanggang sa lumago ang aking pananampalataya at maintindihan kung ano nga ba ang kapayapaan at pagiging kuntento sa mundong ating kinagagalawan. Mahirap subalit maari.
At sa kadahilanang ayoko mamuhay ng wala lang, ninais kong subukan ang hamon at ang pangako ng Panginoon na Siya ay mayaman, na hindi Niya ako pababayaan, na ako’y anak Niya at may buhay na walang hanggan doon sa langit, sa piling Niya. Ang buhay Niya na nilakaran sa lupa ay walang katumbas.
Mga Walang Buhay
Napakarami ko nang naranasang sakit magsimula ng mawala ang aking lolo, lola, tita, tito…matalik na kaibigan at ilan pang mga kakilala. Wala ng sasakit pa sa inyong pisikal na paghihiwalay dahil ito ay panghabang-buhay. Sa kalawakan kayo muli’y magkikita ngunit hindi katulad ng dati...ang kanyang maamong mukha, kakaibang ugali, malalambing na salita, nag-uumapaw na kasiyahan, pagkalugmok sa kalungkutan. Hindi na maari.
Naalala ko noong ako’y kalong ng aking Lolo Asuy (Ama ng aking Tatay), binibihisan ng malinis na kasuotan at pinapakain ng malulusog na gulay. Tinuruan niya din akong magbasa’t magtanim ng mga puno sa aming paligid. Hanggang nasaksihan ko siya kung paano magsimulang ubuhin ng malalim at maubos ang kanyang maputing buhok. Simple lang siya pero ibinahagi niya sa akin na ang kanyang buhay noon ay puro sa sabong ng manok, sugal at hindi naging mabuting tagapag-taguyod na ama. Taliwas sa kanyang sinabi ang bunga ng sitwasyon ng buong mag-anak. Napabuti ang lahat at may kanya-kanya ng pamilya.
Sa pagpapatuloy, kaya naman naibenta ang kanilang hektaryang sakahan at ari-ariang minana. Mayaman sana kami ngayon, bagama’t noong aking binisita ang kanilang lugar sa Antique na kinalakihan, nakita ko ang bakas na iniwan ng masayahin at maaasahan kong Lolo. Maraming mga taong nakakakilala kung babanggitin mo ang aming apelyido. Naging likas kay Lolo ang palasigaw at galit, marahil umikli na din ang kanyang pasensya sa mga sunod-sunod na pagkadismaya. Ngunit, kapansin-pansin ang kakaibang trato niya sa kanyang mga apo kaysa sa kanyang mga tunay na anak. Sinabi niyang, bata pa sila’y malayo na ang loob namin sa bawat isa. "Ang ama mo ang pinakamalapit sa akin dahil matapos siyang magsaka, pinagluluto ng aking Ama ng ginataang kuhol at sariwang gulay na naani."
Mga labi ni Lolo Asuy ang nasa larawan, malinis at muling binuksan upang paglagyan at ipagsama ang labi ni Uncle Roner, ang kanyang anak. |
Sa kanyang mga aral na iniwan sa aking ama, na siya namang ipinasa sa aming mga anak niya ay tiyak na hindi maipagpapalait ang mga ito. Una na akong magpapasalamat dahil sa kung walang mga pangyayaring naganap, tinanggap niyang mali sa buhay ay walang matututunang kaalaman. Matapos ang lahat ay inaral niya ang "tama" upang malaman kung ano ang "mali". Sa ganitong paraan lamang mapapatunayan mo kung ano ang likas at busilak. Hindi natin kikilatisin ang mali at ikukumparang muli sa tama, kundi aalamin ang tama at iwawaksi ang mali.
Si Lolo Garzon “Garry” (Ama ng aking Nanay), ay ipinakita sa akin kung anong merong oportunidad sa malawak na mundo. Si Lolo na naging piloto ng militar, pintor na iginuhit ang kanilang pamilya, iskulptor ng elepante sa aming parke, anghel sa Katolikong simbahan, musuleyo ni Kapitan Basa at mahahalagang inukit sa aming nayon na siya namang winasak magsimula noong siya ay naging tagapaglingkod (Pastor). Si Lolo na isa sa naging gerilya at lumaban sa pananakop ng mga Hapon, at pinili ang yaman ng talino kaysa sa materyal na kayamana. Hindi ko malilimutan noong pumutok ang Mayong Pinatubo, ako’y apat na taong gulang. Si Lolo’y galit na galit na sinisigawan ang kaniyang mga lalaking anak at Tatay ko dahil binubuhat siya upang iligtas. Gayong sa kanyang pag-iisip na iwanan na lamang sa bahay at tapusin roon ang kanyang buhay. Sa aking pakiwari’y habang nakasakay sa mahabang dyip, may punto ang aking Lolo. Nilalamon na kasi ng uod ang kanyang kanang binti at nabubulok ang ilang parte ng katawan...hindi na siya nakakalakad. Pakiramdam niya na mahaba na din ang panahon na isinakripisyo ng kanyang mahal sa buhay. Ngunit ang buhay ay hindi ganun lamang. Nahikayat siya ng lahat na pumanhik sa sasakyan at hindi ko makakalimutan ang kanyang sermon. May buhay raw naghihintay sa kanya doon, "na kailangan naming magsisisi sa aming kasalanan, na dapat kaming magpatuloy sa pagsunod sa Panginoon." Tama siya marahil, ngunit hindi maliwanag sa akin noon kung bakit ko kailangan gawin. At makailang araw, binawian na nga siya ng kaniyang buhay.
Si Lola Suting "Payat" ang pinakasimpleng babaeng nakilala ko. Kung iyong pagmamasdan, mabagal siyang kumilos dala na marahil ng mabagsakan siya ng malaking hinog na papaya sa kanilang lugar. May sampu din siyang anak at ang tatlo’y namatay noong sila ay bata pa. Ang isa’y nasagasaan at sinasabing kamukha ko. Ang dalawa nama’y nagkasakit at walang maayos na pasilidad noon ang kahit anumang ospital para sa kanilang kalagayan. Madalas magsimba si Lola sa may mga rebulto, naglalakad at kumakain ng kakarampot na ulam. Nagtataka ako kung bakit at saka niya ikinuwento kung anong buhay mayroon siya noon.
Mayaman din ang kanilang angkan, literal na binuhat siya ng Lolo Asuy papunta sa kwarto’y idineklarang mag-asawa sila noong gabing iyon at hindi na umuwi sa sariling bahay. Umiindap at pakurap-kurap din niyang ikiwento ang iba pang nanligaw sa kanya at ang bunga ng desisyon pagpili ka’y Lolo na kaniyang ikinatibay. Nakita ko ang kanilang larawan itinatago noong nagpakasal, napakaganda ni Lola, mukang modernong artista, klasiko ang itsura at kahit na ngayong pitumpu’t dalawa na.
Noong huling uwi ko’y inabot ko ang isang libot-limang daan kay Lola at lubos ang kanyang ligaya’t walang humpay pasasalamat. Ang kanyang yakap at halik noon ay siya na palang huli naming pagkikita. At siya na din ang huli kong pagpaparamdam ng aking pasasalamat at ako’y kanyang karugtong na magsisikap para sa tuwid buhay. Nilisan ni Lola ang mundo ng tahimik at payapa, wala akong nagawa kundi pasalamatan ang Panginoon. Wala ka raw madidinig na hinaing sa sakit niyang kanser sa suso. Marahil, biyaya ito ng Panginoon na iwanan sa amin ang kanyang suot na karakter.
Si Lola During “Taba” naman ang isa sa nagbigay ng kulay na nagsabing ang puti pwedeng ihalo sa itim kapag naglalaba; na ang piso (1.00) ay isang milyon (1, 000, 000.00) at ang kasiyahan ay nasa iyong sarili lamang. Hindi siya nakapag-aral dahil sa politikal na kalagayan ng bansa ngunit elokwente pa din kung magsalita. Nanirahan sila sa bundok at ilang buwan sa kweba, kumain ng damo, nanganak sa talahiban. Nang umaayos ang sitwasyon ng kanilang lugar, lumalabas sila sa kanilang lunggaang taguan at naliligo umano sa ilog. Umaakyat siya noon ng puno at sa di kalayuan, namimitas ng bunga ng bayabas at saktong nadaanan ni Lolo Garry, bente uno’t nagtatrabaho na. Samantalang si Lola, labing-isang taong gulang. Isang taon pa ang hinintay ni Lolo para mapitas niya ang puso ni Lola. Sa maayos na pakikitungo at pag-aalaga ng dalawa, namuhay sila sa kapatagan. May ilang kasambahay, taga-laba at taga-luto, kaya siya nga’y naging maayos ang kanilang buhay at napagtapos ng kolehiyo ang lahat ng sampung anak sa maayos na paaralan sa Maynila.
Si Lola Taba ang nagsabi ng ako’y tataba matapos kong sapuin ang lahat ng kapayatang panlalait. Ang nagsabing "ako’y mabait at matalinong bata" kaya naman libre kong binubunutan ng puting buhok, hinihilot ang mga binti at sumusunod sa kaniyang mga utos kahit na mali.
Naalala ko noong unang ma-ospital si Lola at sabihin, "lumakad lang si Tin-tin (huling apo ni Lola sa bunso niyang anak na namatay matapos siyang ipanganak), pwede ko na kayong iwanan." Lumipas ang araw at sa ika-tatlong kaarawan ni Tin-tin at gayon din ang ika-pitumput apat na kaarawan ni Lola, minabuti kong hagilapin ang iba pang kamag-anak. Sinabi ko ang aking planong pagtitipon-tipon at nangyari nga’y kami’y magbabalik saan mang dako naroon. Dalawang araw bago ang nalalapit na ikalabing-isa ng Abril, kaarawan ng aking panganay na kapatid at nakatakdang pagtitipon, binawian ng buhay si Lola. Kakabalik ko lamang noon galing sa Malaysia, nang tawagan ako ng aking kuya at saka na namanhid ang aking katawan at tumulo ang luha hanggang kinabukasan.
Lumapag ang eroplano ng may bigat sa dibdib, tinik sa nakaraan, at tuyong pag-asa. Niyakap ko ang aking Nanay sa sasakyan habang papunta kay Lola na nasa mahabang kahon. Sariwa sa aking isipan na sinabi ni Lola sa akin na "magpapakatay siya ng kambing, nakabili na din siya ng pabo, gusto din kumain ng aking mga tito ng aso, at pato naman sa aking mga tita."
Tuluyan naming kinatay ang naantalang pagtitipon ng mag-anak matapos mailibing ang aming mahal na Lola During. |
Sa kanya’y ayos na makita lamang kaming masaya’t magkakasama. Isusuot din niya ang kanyang bagong damit, ang pinili ko sa Baclaran at ginamit niya sa maraming kasal na dinaluhan. Sinabi ko na "magpapakuha kami ng maraming letrato at dadalhin ko pabalik sa Singapore. At magpalakas siya dahil may sorpresa ako...mataba na ako!" Mahirap isipin na ang pagtitipon namin ay naiuwi sa paglamay kay Lola. Ngunit hindi naputol ang pagdiriwang para sa pasasalamat at muli’y ang anumang gusot ng kahapon ay siya ring madaloy.
Si Uncle Roner ay ang pinakamabait na anak ni Lolo Asuy at Lola Suting. Dahil sa kanya, naranasan kong pang-mumog ang soft drinks, makatanggap ng pinakamalaking regalong pera sa pasko at ngumiti kahit mainit na nagbibisekleta. Naatake siya dahil hindi naging maayos ang trato ng kanyang kapit-bahay. Dinibdib niya ito at nakita na lamang ng kanyang asawa na halos walang malay sa banyo. Ilang taon ang lumipas at kinailangan siyang tanggalin sa kaniyang trabaho na kalakasan ng kaniyang sweldo. May lima siyang maliliit na anak gawa ng labing-limang taon nilang paghihintay sa ganitong biyaya. Wala silang nagawa kundi talikuran ang buhay na marangya at manirahan muli sa Baguio City kung saan libre ang tirahan nila at pagkain. Sa paglaki ng kanilang anak, nagkahiwa-hiwalay ang mga ito upang mapag-aral at ang dalawa sa bunso ay napunta sa aming kustodiya.
Ilan sa mga piling letrato ko sa kanilang dalawa, binawi sila ng kanilang Nanay at hindi namin alam kung sila pa ba ay nag-aaral ng maayos. |
Tulad ng ibang buhay at kaniyang pakiramdam na wala na din siyang halaga, lalo siyang nahirapan sa proseso ng pagpapagaling. Marahil ang pagnanais mong mabuhay at paghingi ng pagkakataon ay siya lamang hinihintay ng Panginoon? Binawi din kamakailan ang kaniyang buhay.
Tita Belma ang panganay na anak ni Lolo Garry at Lola During at naghihikahos naman ng mga ilang taon sa sakit na hika at baradong ugat sa puso. Kung iyong susuriin, hindi kailanman dumaing si Tita Belma sa pinansyal na pangangailangan dahil nakapang-asawa siya ng Filipino-Spanish na himigit kumulang dalawang dekada na sa Saudi. May tatlo siyang anak, lahat ay naging propesyonal maliban kay Kuya Jess na isang mandaragat, bente syete ng siya ay biglaang maatake sa puso. Si Tita Belma na ata ang nakita kong nag-iisip din ng mga mangyayari bukas, lalo pa’t nang mabuksan ko ang isa nilang kwartong puno ng pagkain. Nabanggit niya sa akin "na takot magutom at sa pag-iimbak ng mga ito, makakatulong din sa iba." Naroon ang de lata, kandila’t pospora, mga sabong panligo at ilang bagong kagamitan na hindi nagamit. Ito ang nagpapatunay kung anong merong kasaysayan ang kanyang kabataan kung saan nabuksan ang kanyang mga mata na ag buhay ay hindi madali.
Naipundar ni Uncle Nelson (asawa ni Auntie Belma) at kung saan siya kasalukuyang naninirahan. |
Si Tito Boy ang isa sa pinakamakisig at pinakagwapong anak ni Lolo Garry at Lola During. Mas masaya siya sa pagtuklas ng mga bagay na hindi nababasa sa anumang aklat at mahilig gumawa ng kwentong mabubulaklak. At dahil sa kaniyang karakter, maporma't mapalamuti ay nagkaroon siya ng iba’t-ibang anak sa iba’t-ibang babae. Alam kong hindi dapat, pero nakilala ko lahat ang kaniyang anak at saka naman ipinaliwanag ng aking Nanay kung bakit mali...kung bakit hindi dapat tularan. Papunta ako noon sa Indonesia ng humingi ng panalangin ang aking Nanay. Muntik kong hindi ituloy ang aking bakasyon ngunit pinaliwanag pa din niya sa akin na ito’y plano ng Diyos, na tayo’y lilisan sa tamang panahon. Bago pa man maputol ang hininga ni Tito Boy, pumuputok ang kaniyang katawan sa katabaan, mabaho at nagtutubig dahil puno na ito ng lason. Humingi siya ng tawad sa lahat ng kaniyang nagawa sa kaniyang pamilya kahit hindi siya itinaratong maayos ng kaniyang tunay na anak sa gitna ng kanyang paghihirap. Kung saan isa sa panalangin ni Lolo Garry at isinigigaw niyang pagbabago.
Ang aking matalik na kaibigan ay maagang nagpaalam sa amin. Ang kanyang ala-ala noong kami’y naghukay ng malalim sa lupa para magapi namin ang nang-aaway, magpahabol sa itik na inakala namin ay ahas, bugahan ang lamok hanggang mamatay sa aming hininga at magduyan sa akin sa panahong ako’y natatakot sa palo ng aking Nanay. Sinabi na mas "madami ang bilang ng puti kaysa sa pulang dugo." Usapan namin ihinto niya ang pag-inom ng gatas para makatulong. Ang pag-gawa niya sa akin ng de-motor na electric fan at pang-kuryente sa mga nang-aaway sa akin ay aking itinago sa pag-aakalang magagamit ko hanggang sa paglaki. Higit sa lahat ang kanyang talino na kahit hindi siya pumasok ng ilang buwan, nasasagot pa din niya ang aming pagsusulit. At dahil sa tiwala noong ikalawang grado namin, nangopya ako’t isinumite ang papel na pati kanyang pangalan ay aking naisulat. Natawa ang aming guro at magsimula noo’y nag-aral akong mabuti at nagtapos kami palagi ng magkadikit sa Honor Rolls. Hindi na siya muling nakapasok at nabalutan ng luha ang aking mga mata. Ang aking pagkainosente ay nahalay ng sagad at patuloy na umiiyak. Hindi ako mapatahan ng doktor o ng aking magulang, patuloy ang aking lagnat hanggang sa kinailangan kong isigaw at itapon ang aking nararamdaman. Nahawakan ko kasi ang matigas niyang bangkay, ang kanyang daliri sa paa, ang araw na hindi na siya mumulat pa.
Si Auntie Myleen ang nagpatahan sa aking nararamdaman. Tila hinalukay niya ang aking damdamin at tinulungang ilabas ang namuong iyak at sigaw sa aking dibdib. Matapos ang ilang araw kong lagnat, sa kanyang pakPatuloy ang aking pag-aaral, nalinang ang aking galing sa isports, sa pagsusulat noon, sa pagkabisa at pakikipaglaban sa buhay...sa pagdiskubre ng mga laman sa loob ng kahon… sa pagtanim ng tama...sa pagtatrabaho’t ng masaya...sa paggising ng may pasasalamat at pamumuhay ng matuwid sa kabila ng mga sagabal sa aking hakbang.
Natapos isulat: 22/04/13 hanggang 05/05/13
Sa Hanap-buhay
Hindi nagsisimula ang paghahanap buhay sa pagtanggap ng salaping iyong pinagpaguran. Kundi sa pagsibol ng kaalaman at paghakbang sa bagong yugto. Hindi sa pagpasok sa opisina’t bihis propesyunal kundi sa pagtanto ng parte mo sa mundo? Ang buhay ay parang kapeng itinitimpla ng aking Tatay. May puting asukal at maitim na kape! Maputi man intensyon ngunit madalas maitim ang kalalabasan nito dahil tao tayo. Tao tayo na magkamali at dapat makatao tayong humarap sa Panginoon at asahan ang parusa.
Marami akong nakilalang may mataas na antas sa buhay. At patuloy na nakikilala dagil sa aking trabaho, biyaya at katapatan ng Panginoon. Mga ginagalang, may mga alipin, nakapalibot na militar. Napansin ko kung paano sila mamuhay, magsalita, kumilos, mang-trato ng kapwa. Gayundin naman ang aking pakikipaghalubilo sa amoy lupa at mga naglasak sa putik. Nakita ko kung anong kanilang hanap-buhay, paano kumita sa iba't-ibang, saan kinukuha at gaano umasa’t magpakumbaba. Hindi ko idinidikta na may mali, sa makatuwid, ang tao’y pantay-pantay. Iisa ang oras na mayroon tayo sa isang araw. Parehas silang kumakain, ang sistema ng pagdumi, pagluwal ng sanggol, pagtulog na halos walang buhay, maglakad sa daanan...lahat pareho-pareho lalo na’t sa paningin ng Panginoon. Nakakatuwang isipin na nagkaiba lang tayo sa ating pananampalataya...dahil ang iba’y nabahiran ng mapang-akit na mundo.
Wala nang hihigit pa sa tamang hanapbuhay na humahalimuyak. Nakakapagtaka kung may taong marangal na magtrabaho’t maunlad. Ang lahat ay may kanya-kanyang maitim na budhi sa malinis nilang hangarin. Mahirap pero ang buhay ay isang tanikalang naging sistema na ng marami. Ang tanikalang hindi nagpapahirap kundi nagpapabigat sa atin.
Kayod-kalabaw, siksik-banig, bunot-tinik, isang kahid-isang tuka, kalmot sa hangin, ukit mo sa puno, sipain mo ang dingding, taktak mo ang balde sa lamesa at isip-kawayan. Ganyan ang mga tao upang may makain, para maaabot ang pag-asa. Ngunit ang lahat ay hindi din naman permanente at ito ang dapat nating matangis. Ang hanapbuhay ay hindi din magtatagal. Ang ating sigla’t lakas ay mawawa rin sa takdang dumoble na ang numero ng ating edad. Ang ating talino’y kukupas din kapag nahinto na tayong sumabay sa pagbabagong dala ng mundo. Ang gahiganteng trabaho’y hindi na din magagapi sa nangangalay na likuran, sa tagal ng pagtindig at kalakasang sustento ng ating bisig. Lalo pa’t ang opisinang pinapasukan ay wala ding kasiguruhan sa anong mayroong bukas ang maitatakda?
Ang paghahanap-buhay ay masaya kung may puso ka sa iyong ginagawa. Alinsunod ito sa pagkilala ng mga taong iyong nakakasalamuha. Ang payak na mga bagay ay nagkakaroon ng halaga’t nalilinang ang iyong sining. Ang pag-impok ng salapi at kayamanan sa lupa ay hindi mainam, ito’y nangangalawang, nabubulok, nananakaw, bumabaho’t naaagnas. Ang tunay na yamang dapat natin pagtrabahuan ay ang kinang na hindi nakikita, sa langit kapiling Niya.
Ang hanapbuhay na marangal sa akin ay walang depenisyon dahil nakita kong marumi. Ako’y tumpak na ang hanapbuhay ay iyong paghahanap sa anong buhay na nais mo… ang hanapbuhay ay ang pagkakataong natagpuan mo ang buhay sa lupa patungong langit kung saan naghihintay sa iyo ang habambuhay…
Ang larawang ito kuha ng aking "boss" noong dumalo kami ng isang pagtitipon sa Hong Kong. Isang paraan para malinang ang aming galing sa napiling hanapbuhay. |
Itong Pamumuhay
Ang pamumuhay ng tao ay nasusukat sa kanyang pagkatao. May mayamang kumakain na sinsaid ang kaldero, may mahirap na dumudutdot ng magarbong telepono. May mayamang hindi tumatapak sa lupa, may mahirap na humahalik sa ipa. May iilan na naglalakad ng pakendeng, may karamihan na tumutulay sa bubog.
Ang pwersa ng totoong pamumuhay ay nakikita sa iba pang masukal buhay ng iba. Hindi tayo namumuhay para sa sarili. Isang elementong dapat mong malaman, na kailangan mong maging mahusay makitungo sa iyong kapit-bahay. Hindi mo kailangan maging madamot dahil kapag kinailangan mo ng patak ng asin, hindi ka tatakbo sa tindahan. Hindi mo dapat isipin paano magtago ng impormasyon, dahil kapag ikaw ay naging balbal sa isang araw, hindi ka hahanap ng guro para paliwanagan ka. Lalo pa’t hindi mo kailangan magbulsa ng kamay sa panahong kailangang ng iyong lakas, dahil kapag nasunugan ka ng bahay, hindi mo maaasahan kung ang bumbero ay aabot ng ligtas ang iyong tahanan.
Ang bagsik ng kalaban ay nasa sa iyong lebel ng pamumuhay. Ang pinakamahirap kalabanin ay ang ating sarili sa iba’t-ibang aspeto. Ang gusto ng alipin na katawan ay malayo sa bagsik ng makabuluhang kaluluwa. Huwag ka ding pakasiguro na ang pagdikta ng iyong puso dahil ito nga ang pinakamadaya sa lahat. Kung mamimili ka ng iyong makakasama sa iyong buhay, una’y saliksikin mo ang iyong sarili. Itapon mo ang maduming kaisipan at ihanda ang pusong tangan ang tapang para maihiwalay ang mabuti sa masamang loob.
Ang pamumuhay ay parang isang kalakal. Pakikipagpalitan ng talento, pakikipagtunggali sa laman, pagkakapanalo sa kaaway at pagbabayad ng utang na loob. Sa lahat ng nabanggit, nasa sa iyong pakiwari kung anong nais mong suungin na buhay sa mundong ito.
Ang Pagsasabuhay
Madaling maging tao ngunit mahirap magpakato. Madaling sabihin subalit ang lumakad ng tuwid ay isang pagsubok. Gayundin, ang buhay ay isang hangin na maaaring tumampi saka mawawala ng kusa. Ngunit ang pagsasabuhay, ang pang-araw-araw na ipinamamanhik mo’y iba ang maaaring damhin. Ang pagsasabuhay ay isang kasangkapan ng buhay na siyang kaakibat ng pagsunod sa iba. Hindi sa ayokong maging mulat ang iyong mata’t sikapin ito, ngunit ang pagsasabuhay ay hindi rin madali. Kung iyong mapapansin, puro negatibo ang aking sinasambit dahil hindi ito nagagawa ng mga ordinaryong tao, na kung saan matapos nilang mabuhay, nakabalasubas ang kanilang kwento sa kanto, ang kanilang salita’y namamaho, ang kanilang karanasa’y nagsusumamo at ang binhi ng kaalama’y nakatago.
Sa pagpapatuloy ng paglathala: 11/10/13 hanggang 04/12/13 at 02/02/14
Sa patungong bahay nakita ko ang isang mamang nanghihina ang mga binti kaya kinailangan sumampa sa upuang di-gulong ng nag-iisa. Nakita ko din ang buhay sa kanya na hindi pangmatagalan. Napansin ko ang kanyang paglaban sa bawat pihit ng mga gulong, sa pag-ikot ng mga maninipis na gulong habang dumadampi ang lakas ng hangin sa bandang kwelyo. Nawala ang aking respeto nang sindihan niya ang kanyang sigarilyong maghahatid sa kabilang buhay, ng panghabang-buhay. Muntik na akong maghagis sa kanya ng kapirasong tulong, subalit nagbunyi ang aking himutok kaysa sa awang marangal. Halos pagsisihan ko ang aking awa sa taong ito na sumasayang sa regalong ibinigay Niya. Sa isang banda, may awa pa din sa sulok ng aking damdamin...at ang awang hindi niya nalalaman ang kanyang sitwasyon. Walang ibang nakakakita sa kanya kundi ang iba, ang iba na para tulungan at bulungan siya.
Nagpatuloy ako sa paglalakad atsaka nagpasalamat sa Maykapal na ang kapal ng aking kalyo sa paa. Nasukat ko kung gaano na kalayo ang aking nilakbay. Nakarating ako ng matiwasay sa aking tahanan, magbuhat ang tatlumpung minutong paglalakad, nang suungin ko ang bahay ng may buhay, at magmuni-muni ng dating guni-guni. Humarap ako sa salamin na nakalagay sa aming banyo’t nakita ko ang kabuuan ng aking sarili --- ang aking itsura, kulay at hugis. Naalala ko ang mga kathang sinabi ng aking mga kaibigan, ang binanggit ng aking pamilya, ang mga namutawi sa bibig ng mga taong pumuri at binigkas ng ilang gumapi sa akin. Salamat dahil isa ito sa mgakalagayang maghahatid sa akin sa panghabangbuhay. Lasap na lasap ko ang lahat ng katas ng pait at tamis ng kanilang budhi. Habang pinagmamasdan ko ang iba pang bahagi ng aking katawan, marami pa akong dapat matuklasan o sila na ibig masaksihan…Pero ang lahat ng ganda at anyo nito ay maglalaho.
Kuha habang sakay sa sasakyan, kung saan nakita ko ang tuyot na punong-kahoy at ang asul na kalangitang nagbibigay pag-asa at patuloy na pagsibol ng buhay. |
Panghabang-buhay
Sa paghahanap ng marangal na kwento ng bawat nilalang, ang araw-araw na kanilang iginuguhit sa palad, pagbanyos ng mukha at pagsasapu ng pawis na pumamatak. Isang paraan upang maipakita na ang pagsisibak ng oras ay mahalaga.
Simple ang nais kong iparating, ang buhay sa dako roon ay may nakalaan na isa pang buhay. Ang dalawang buhay at itatali sa harapan ng Panginoon upang maging isa. Ang iba’y nagsasaya, mangilan-ngilan ang hindi nito inaabot at karamihan nakadadanas ng paghigpit at pagkipot ng mga pisi upang magbuklod sa dalawa na magiging isa.
Nasipat ko ang isang binibini hindi kung “saan”, hindi kung “kailan”, hindi dahil kung “ano”, kundi kung “bakit” siya? Sa simbahan kami nagkakilala at nais kong makasama siya at ihatid kami sa tahanan ng Panginoon. Sa kaganapang ito, mas naniniwala ako sa takda kaysa dikta. Kung bakit nga ba ako ganito at siya nama’y ganun na? Kung bakit nga ba ako nandito at siya’y nanduon na? Kung bakit nga ba ngayon lang at siya’y dati pa? Siya lang na wagas o sa wakas?
Buhay na Walang Hanggan
Binigyang-pangwakas: 09/09/14
Ang buhay sa pag-aaral ng salita ng Diyos ay isang biyaya, mabilis na parang bula't damong uusbong at mawawala. Isang pribilehiyo na ibinigay Niya sa atin upang manumbalik ang putol na relasyong dulot ng kasalanan. Isa itong importanteng mensahe, libreng regalo kung ating tatanggapin ngunit mahal ang kabayaran. Bago pa man maisakaturapan ito ang bagay na ito, ang Diyos Ama ay isinugo ang Kanyang sariling Anak upang tubusin ang ating makasalanan (John 3:16). Upang walang balakid sa pagmamahal at Kanyang katapatan sa ating buhay.
May apat (4) na bagay tayong dapat mong malaman:
(1) Lahat tayo ay nagkasala (Roma 3:23)
Sa teorya ng pagbuo ng mundo at salita na ibinigay ng Diyos ay malaki ang pagkakaiba. Kung sa makamundong pag-aaral, lahat ay tatangging may kasalanan na tangan habang sila ay ipinagbubuntis pa ng kanyang ina. Sa isip nilang literal at pilosopiyang ihahayag, ang sanggol ay walang kakayanhang mag-isip at nakadepende sa magulang o paligid. Samakatuwid, ang kasalanan ay hindi namamana kundi namumuo. Subalit malinaw ang sinabi ng Aklat ng Buhay na tayo ay may angking kasalanan buhat noon pa man.
(2) Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 3:23a)
Sa mundo ay may itinakdang kabayaran ang bawat nagkasala at lumabag sa batas. Gayundin ang ating kasalanan at mayroong dalawang bagay ang napapasakop dito:
a. Pisikal na Kamatayan
Isa sa kasiguraduhan sa mundo ay ang kamatayan tulad ng aking mga nabanggit. Walang sinuman ang makakaiwas sa pinakahuling kaaway natin sa mundo - kamatayan.
b. Ispiritwal na Kamatayan
Ito ay kung saan patay ang ating kaluluwa sa harapan Niya na kailangang pagbayaran kundi ay mapupunta tayo sa dagat-dagatang apoy. Kung saan puno ng kalituhan, alaala at pakiramdam na buhay, habambuhay na dalamhati't pagsisisi. Ngunit ang impyerno ay ginawa para sa mga demonyo at nagtaksil sa kabutihan ng Diyos. Ayaw ng Panginoon na ang sinuman ay mapahamak kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak sa pamamagitan ni Hesu Kristo (Roma 3:23b).
Ang regalong ito ay para sa lahat, at isang pangako na magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon na Tagapagligtas. Ang regalo ay hindi binibili o kinukuha, bagamat ito ay tinatanggap. Ang pagpapatawad ay hindi kaakibat ang bawtismo, pag-anib sa simabahan, sekta o paggawa ng mabuti. Matataggap mo lamang ito sa pamamagitan ng bukas pusong pananalig sa Kanya.
Oo, si Hesus ay namatay para sa lahat --- ngunit hindi lahat ng tao ay mapupunta sa piling Niya sa langit --- ito ay ang mga tumanggap lamang. Nasa sa ating aksyon at desisyon ang mangyayari sa buhay, kung tatanggapin o babaliwalain? Wala ding ipinanganak na agarang nasa puso siya, dapat nating malaman na Siya lamang ay naghihintay.
(3) Mayroon tayong Tagapagligtas (Roma 5:8)
Ibinigay ng Diyos ang Kanyang pag-ibig (bugtong na Anak) sa atin, bagamat tayo ay makasalanan at lubos nabayubay din Siya. Gayon na lamang talaga ang Kaniyang pag-ibig sa bawat isa sa atin.
Ang Panginoon ay pinili si Hesus para pagbayaran ang ating kasalanan sa pamamagitan ng pagbubuhat ng krus ng kalbaryo. Siya ay dinuraan, niyurakan, hinila ang balbas at ipinako. Mahal ka Niya. Namatay Siya para sa iyo at sa akin ngunit nabuhay Siyang muli matapos ang tatlong araw upang ihanda ang lugar sa langit para sa iyo at akin.
Sa katotohanan, maraming tao ang hindi alam ang tiyak na oras, lugar o araw ng kanilang pagtanggap ng Diyos sa kanilang puso. Kung mangyayari man ito sa iyo, kailangan mong alalahanin. Kung ikaw ay namatay nang hindi pinapatawad, sabi ng Bibliya ay saan ka pupunta? Ayon ba ang gusto o nais mo?
(4) Maaari tayong patawarin (Roma 10:13)
Sinabi ng Hesu Krsito na kung sinuman ang nanampalataya sa Kanyang pangalan ay mangaliligtas. Kung ang Panginoon ay hayag sa Kanyang pag-ibig na kayang gawin upang tayo ay hindi mapahamak, payag ka ba na tanggapin Siya bilang "Siya"?
Maaari mong sundin sa pagbanggit o isapuso ang bawat salita na iyong mababasa:
"Mahal kong Panginoon, alam kong ako'y makasalanan. Patawad po sa aking kasalanan. Naniniwala akong namatay ka para sa aking mga kasalanan, inilibing at muling nabuhay sa ikatlong araw. Kinikilala kita Hesus sa aking buhay bilang Diyos na Tagapagligtas at ipinapangakong susundin ang Inyong bawat Salita. Binubuksan ko ang aking puso at inaanyayahang manahan ka ngayon upang ako'y maligtas. Ito po ang aking samu't dalangin sa pangalan ni Hesus. Amen."
Ito awiting ito ay madalas naming kantahing magkakapatid sa tuwing may nagpapaalam na mahal namin sa buhay. Isang paalala na hindi natin kailangan makita kung anong mayroon sa dako paroon bago tayo maniwala at manalig. Sapagkat sa mga susunod ay maaaring wala ng pagkakataon, "...at huli na ang lahat".
Ngayon ay bago ka na ngang nilalang sa Kanyang harapan, sa paanan ng Kanyang trono. Isa ka na Nyang maituturing na anak at didinggin ang bawat panalagin! Higit sa lahat, iniligtas ka ng Hesus Krsito sa tiyak na kapahamakan at magkakaroon na ng buhay na walang hanggan sa langit. Gawin nating ambisyon ang makapiling Siya dahil ang "walang hanggan" ay walang katapusan, hindi magmamaliw.
No comments:
Post a Comment