May mga bagay na akala natin mapapasaatin. Mga pagkakataon na tila magiging ganap. Taong mababago sa tulong ng ating sikap at impluwensiya. Ngunit ang lahat ng ito'y kontrolado Niya, bagay na dapat nating ipaubaya, ikasaya at ipasakop.
Tulad na lamang ng tanong ko kung bakit ang kayamanan ay hindi pantay-pantay. O ang paghihirap ay hindi rin pare-parehas?
Bakit habang may nagsasaya ay may nalulungkot sa isang banda. O kaya naman paano magiging isa ang pag-iisip ng lahat tungo sa kapayapaan?
Tulad na lamang ng tanong ko kung bakit naimbento ang ilang bagay na magpapalugmok sa atin? May mga lugar na hirap matunton at liparin?
Tulad na lamang ng ginusto kong bahay, lupa at sasakyan? Tulad ng inambisyon kong laruan noong bata ako, ni kailanma'y hindi dumapo sa aking palad.
Saan ba tayo nagkakamali at nagkukulang? Sa pagkuha ng kaunti o pagbigay ng sagad? Sa pagnakaw ng lantad o pagtulong ng tago? Sa paglilinaw ng kalituhan o pag-ambag ng kagulumihanan?
Nang mabokya ako sa panliligaw at malihis ang pag-ibig. Gayundin, nang magkasakit ang aking mga mahal sa buhay na tila ang oras ay ninanakaw sa akin. At ng lokohin ako ng aking mga kaibigan na itinuring kong totoong tao sa aking tabi.
Wala din akong nagawa nang pasunurin ang mga trabahador sa nais kong mangyari. Minsan nakakaloko ang kanilang iniisip, may nag-uumapaw na kayabangan ng puso't butas na bulsa.
Tulad ng kinulang ako sa pang-gastos sa araw-araw dahil hindi ako nananalangin. O bumangon sa umaga nang may malakas at sigla.
Mag-isip paano bahaginan ang ating otoridad para sa ikauunlad ng kanilang nasasakupang gobyerno. Paano sumunod sa tama at iwaksi ang mali?
Ang lahat pala ng ito'y kathang isip lang. Isang pakiramdam na wari'y kagat-langgam. Waring nagiging makatotohanan sa oras na bigyan nating pansin. Tulad ng isang sakit na nagiging makirot sa labis na atensyon imbes na hayaan ng lubos.
Samakatuwid, hindi tao ang dapat sumubok sa bagay, pagkakataon at tao kundi ang Panginoon. Sa kamay natin, ay walang kapangyarihang masapo ang anuman sa mga ito kundi tanging Siya.
Ang paghihirap ay kawalan ng ugaling pagpapasalamat. Dito ito nagsisimula at siya ring mabibigay wakas. Ang sakit, pisikal, emosyonal o anumang aspeto nito ay dahil may dambuhalang presensya ng abnormal na elementong lumalason sa ating pag-iisip.
Matutunan natin rito ang kwento ko sa langgam. Noong ako'y bata pa, sa kaliit-liit ng kaibigang si "langgam", lagi kong ginagambala ang kanilang tirahan. Gaya ng pagyurak natin sa ibang tao o sila sa atin. At tatakbo ako ng ilang dipa't babalikan ng kaunti. Gaya ng pag-iwas at pagpapalamig ng nagbabagang sitwasyon. Saka ko susulyapin ang kanilang paglipat-bahay, tulad ng kapiranggot na pagpapakita natin ng pagkalinga sa ating mga nasaktan? Saka naman ako makakaramdam ng pangangati, ganti marahil ng kanilang inis. Tulad ng kanilang pangit na dasal o disiplina sa akin ng nasa Itaas.
May ilang sitwasyon na mas masakit ang kagat ng mga ito kung alam kong tutusok ang kanilang antenang matulis sa aking balat? Ilang pagkakataon na hinahayaan kong kagatin ng harapan ang aking pagkatao. Ngunit, naramdaman kong ang tiyak na kaibahan kung hindi ko nalalaman, hindi masyadong masakit o makati.
Tulad ng aking mga katanungang walang paglagyan ng kasagutan, mga emosyon na nilimbag ng panahon. Mas lalong namamaga at umuumbok ang sakit kung ito pa'y aking malalaman. Ang ugat-ugat na problemang uusbong at maglilitawan. Kaysa hahayaan at ipagsasawalang-bahala ay ipagsasa-Diyos ko na lamang nang maagang humupa ang kirot.
No comments:
Post a Comment