Ang aking mga pag-agam-agam sa nagdaang panahon:
1. Gaano mo man inalagaan at pinahinog, "kapag" nahaluan ng bulok na bagay o ugali ay madali na itong mahahawaan.
2. Huwag mag-alaga ng taong balat-hayop sa paligid mo dahil "kapag" nagalit, hindi ka makakaasang makatao ang atake at balik.
3. Minsan "kapag" ayaw na ay totoong gusto din at kung kunwaring gusto ay dahil may natatanging personal na intensyon.
4. Sobrang hirap magtiwala sa kausap mo "kapag" alam mo na ang tenga'y nakalapat sa iba at ang mata'y nakatuon lang mag-isa. Ang bibig ay tanging nagsasalita habang ang mga kamay ay gumagawa ng kakaiba.
5. "Kapag" tumigil na ang usok at siga sa apoy hindi ibig sabihin ay hindi na makakapaso. Mas bumubulusok sa sulok ang nananahimik para tumapos.
6. Respetuhin ang boss o madam dahil anupama't sila ang daluyan ng pagpapala "kapag" walang pagkain sa hapag-kainan. Hindi pwedeng sila ang ginigisa, niluluto at lalamunin tuwing kumakalam ang sikmura.
7. "Kapag" ang mundo'y nagdidikta sa iyo, tumakbo ka sa dilim kung saan tahimik upang walang sumunod na anino at lumakad sa liwanag nang di habulin ng sariling multo!
8. Humarap ka sa salamin "kapag" napupuwing o nakakapuwing na. Saka mo hipan, buhusan, ibabad at ipikit ang mata hanggang sa lumuhang paluhod, ng nagsusumamo.
9. Ang bagyo sa buhay ay likas na dumadaan at kusa ring lumilipas. Ngunit "kapag" hinayaan mo ang iniwang peste o marka, magiging miserable ito't di makikita ang ningning sa kalangitan.
10. Ang tao makahawak ng pera, nagiging magkamukha. Mapagkaitan ng salapi, makikipagpatayan. Pagkapal ng datung, manloloko lang. Paliguan ng kwarta, sumusuhol pala. Pagtaguan ng barya, kapirasong nagnanakaw.
Paunawa na sana'y damhin ang aking damdamin. Dikdikin nawa ng konsensya ang nararapat. Pero hangad ko pa din, "kapag" sila ang tinamaan nito ay hanapin ang bukas kong mga palad!
No comments:
Post a Comment