Makailang libong pagmamasid na din ang aking nasaksihan madalas iniisip ko kung likas ba itong taglay ng ating dugo?
Sa aking pagsisiyasat natukalasan kong nagmula itong bagsik ng kaugalian at tinik ng puso mula pagkabata. Kapag hindi lang may nasasaktan... o natataranta, napapahiya at nanghihila paibaba?
Nung ako'y nadapa, tinawanan ako ng aking mga kalaro. Ang laki ng natamo kong sugat sa kaliwang tuhod. Walang tumulong sa akin upang tumayo. Habang papalapit ako sa aming bahay ng umiiyak, nagluluha naman ng dugo't mantika ang aking sugat. Hinipan ko at sinubukang pakalmahin ang aking sarili ngunit hindi ko magawa.
"Mama, ayoko na silang maging kalaro", sabay hikbi. Sabi sa akin, "HIHIHI, hindi yan aabot sa bituka... puntahan mo tatay mo! Magluluto ako. Bukas, bati na kayo ng mga kaibigan mo".
"Papa, huhu ayoko na pong lumabas ng bahay...lagi na lang walang tumutulong sa akin", sabay yuko. "HEHEHE, halika nga't umupo ka... hugasan natin yan ng pinakulo kong dahon ng bayabas. Tapos sabunan natin para mabilis matuyo".
Lumipas ang ilang araw at buwan, nadiskubre kong mas nakakaaliw at may seguridad kasama ang aking mga kapatid. Si kuya at si bunso (wala pa noon ang totoo naming bunso).
Nanggaling ako sa publikong paaralan. Madalas gamit ko ang bisekleta papunta at pauwi ng aming bahay. Kung susumahin, aabot ng pitong minuto ang aabutin bago makarating.
Umuulan at kumikidlat nang mga panahong iyon. Naisip ko't nagdidilim na baka ako'y mapalo kung aabutin ako ng takip-silim. Sa aking takot, pinadyak ko ang pedal at saka pinaikot ng mabilis. Wala pa mang isang minuto ngunit basang-basa na ang aking uniporme, bagong aklat at gamit sa loob ng bag.
Dumating ako ng nakangiti't tuwang-tuwa sa pag-abot ko sa bahay ng matiwasay. Sinalubong ako ng sigaw! "Bakit ka lumusob sa ulan?!? Sana pinatila mo man lang!" "Sorry po Mama, HUHUHU", ng maraming beses.
Napalo ko ng sinturon. Tumilapon ang mga bagay na dapat nasa sala lamang namin. Ang sandok na matibay panluto'y namaluktot. Hindi ko na maintindihan ang sermon sa akin dahil nakitang tinatawanan na ako ng aking mga kapatid.
Nagsikap akong mag-aral. At sa kahit anong sikap ng tao, may gusot pa din talagang kailangang plantsahin at butas na kailangang malampasan...may bagay na kailangang malaman at pagkakataon na kailangan mong maipasa!
Sa silid-aralan kung saan may umutot ng tahimik, may umiyak ng bulgaran, sumemplang ng indak, bumokya sa pagsusulit... maraming natawa kaysa dumamay!
Sa labas ng paaralan may libro ding sinusunod at aral sa kusang matututunan... kung saan ako nakaligo sa pool ng libre, naakyat ang tower na ipinagbabawal, lumundag sa kanal para umeskapo sa may nanghuhuling pulis at habulin ng mapangil na aso sa kabilang subdibisyon. Lahat ng ito'y marami ang natawa.
Sa buhay ng iba sumasalamin naman ang ilang kwento tulad kapag may nabuluna'y sinasabi natin, "gusto mo batok?" Kaysa alukin ng tubig. Kapag may nadulas, siya pang masasabihan ng "tanga-tanga kasi". Kapag walang baon, "ay kawawang bata!". Kung halimbawa nagkamali, kasindak-sindak na pangungutya ang ilan pang matatanggap.
Subalit habang lumalaki at tumatanda ako, nalaman kong ang pagtawa pala ay mabigat na hamon. Salamat at napatuyan ko ito ng maaga bago pako umabot at mag-aral sa unibersidad.
Ang walang katulad na pamilya ko, kaibigang itinuring, mga sitwasyong buwis buhay. Lahat ng ito tinawanan ko kahit masakit! Ganito kalakas ang tawang "HAHAHA", abot hanggang kapit-bahay. Akalaing nanalo ako sa lotto kahit hindi ako tumataya!
Sa aking trabaho, ang hirap. Sa totoo'y walang madali sa buhay at propesyon. Pero nakuhang kong ngumiti ng kaunti dahil may ibang kasamahan na hindi mo maiiwasan. Paminsan, mismong tao na nagpapasweldo sa'yo ang nagpapasakit. Minsan, alam nilang hirap na hirap ka at hindi masaya pero parang abusadong didikdikin ka pa ng trabaho. O mga nasa paligid mo na hindi abot-kamay na tutulong para magawang mabilis ang mga minamadaling produkto. Bagkus sila pa itong manggugulo para mabaling ang atensyon sa bagay na hindi mahalaga.
Inisip ko, kailangan ko din maging masaya. Ang tumawa kahit mapahiya. Sa katunayan, mahusay na akong humawak ng mga ganitong pagkakataon, "HOHOHO".
Saka may lumapit sa akin na kaibigang bigo sa pag-ibig...nanlulumo at umiiyak. Saka ko nasabihang "hahaha dapat handa ka ding masaktan!" Saka may tumabi sa aking kakilala't umaming nanakawan at niloko ng kaibigan. Saka ko nasabing "hehehe bakit ka mabilis nagtiwala?" Saka may nagmatapang na magpahayag na pabigat siyang tao at bigong lagutin ang hininga sa sarili nitong kamay. Saka ko nasabing, "hihihi maging mulat ka sa hukom ng Diyos".
Hindi nako nadadala sa mga ganitong pakulo. Naaapektuhan na lamang ako kung ang ukol ng balitang aking natatanggap ay sa taong nagparamdaman sa akin kung papaano tumawa ng "hohoho" kapag tinatawanan. Yung nagpakita sa akin kung bakit nila ginawang tumawa kung ako'y nasasaktan at lumuluha ng may mahinang bigkas ng "huhuhu?"
Ayokong sagutin ang katungang aking ipinaskil. Dahil ikaw at kayo mismo ang makakapagsabi anong tulong at epektong makukuha natin matapos tayong tawanan sa napakita't nagawa nating mali...ngunit dapat maging matalino tayo sa pagtanggap ng pagbabago at pagsunod ng tama!